
MATAPOS mag-viral ang posts ng ilan nating mga kababayang overseas Filipino workers (OFW) na unang naka-experience ng pagboto sa pamamagitan ng online kung saan mayroon silang kakaibang natuklasan na may kinalaman sa sistema ng ginawa nilang pagboto sa pagsisimula ng online voting para sa mid-term elections 2025.
Ayon sa post ng isa sa OFW na nagtatrabaho sa Singapore na hindi na natin babanggitin ang pangalan, nagtataka umano siya dahil matapos niyang bumoto online ay iba ang mga pangalan ng mga kandidato ang kanyang nakita nang mag-verify siya at i-scan ang QR code dahil sa halip na straight PDP-Laban candidates kasama sina Senator Imee Marcos at Camille Villar na kanya umanong ibinoto ay iba ang lumabas kundi pangalan ng ibang mga kandidato na hindi naman niya ibinoto.
Dati naman umano ay sa mga nakaraang eleksyon ay nabeberipika nila ang list ng kanilang mga ibinoto sa resibo na iniisyu pagkatapos na maisilid ang kanilang balota sa vote counting machine.
Ganyan din umano ang na-experience ng ating ilang kababayan na nasa United Arab Emirates (UAE), gayundin sa Morocco at iba pang mga bansa kung saan kapag ang ibinoto nila ay mga miyembro ng PDP Laban sa partido ni Pangulong Duterte ay ganoon ang nangyayari.
Ipinarating ng mga kababayan natin na nasa ibayong dagat ang kanilang reklamo sa pamamagitan ng pag-post sa iba’t ibang social media platforms kung kaya’t mabilis at parang apoy na kumalat ang nabanggit na balita.
Natural, papatulan agad ‘yan ng ating mga kababayan lalo na ‘yung mga nakababad sa social media at wala nang ginawa kundi ang mag-abang sa mga latest na tsismis este balita.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nag-viral naman ang isang kandidatong vice mayor diyan sa may norte kung saan sinabi nito na kayang-kaya umanong ma-hack ang vote counting machine at may posibilidad na magkaroon ng dayaan ang darating na eleksyon kung hindi magiging listo at maingat ang Comelec.
At para sa Comelec ay malisyoso at kulang sa katotohanan ang naturang bintang kung kaya’t umabot pa nga ito sa pagsasampa ng demanda ng Comelec sa naturang personalidad ang nabanggit na usapin.
At kasunod nga niyan ay pumutok naman ang tungkol sa naturang isyu kung saan nagrereklamo nga ang mga kababayan natin na bumoto sa pamamagitan ng online mula sa ibayong dagat.
Reklamo nila ay paano matitiyak ng Comelec na ang aming mga boto ay talagang papasok ng tama at sakto sa gusto naming iboto na mga kandidato.
Sawsaw naman ng ibang netizens hindi pa man nagsisimula ang araw ng eleksyon ay may mga ganyan nang pangyayari.
Paano anila tayo makakasiguro na wala ngang dayaan na mangyayari kung ganyan ang sistema.
Baka iba ang lumitaw na boto sa bilangan at hindi ang talagang ibinoto ng mga pinoy.
Dami ng kabulastugang nangyayari at sa gitna ng mga gulo at mataas na bilihin ay nanakawin pa ang natitirang karapatan ng mga pinoy na pumili ng kanilang nais na iboto.
Agad namang pinasinungalingan at niliwanag ng Comelec ang isyung ito sa pamamagitan ng kanilang pinuno na si Chairman George Garcia at sinabi nito na wala namang anomalya o anumang hindi magandang nangyayari sa nagaganap na online voting partikular sa ating mga kababayan abroad.
Ayon kay Garcia, sinisiguro niya na ang mahalagang boto ng ating mga kababayan ay mailalagay ng tama at sakto ayon sa mga pangalan ng mga kandidato na kanilang pinili at ibinoto.
Ipinaliwanag niya na ang kumbinasyon ng random letters at numbers at pangalan ng mga kandidato na hindi nila ibinoto ay security feature lamang upang maiwasan na magamit ang balota sa vote-buying at pagbebenta ng boto.
Aniya, sa oras na sila ay sumalang na sa online voting, makikita nila ang mga pangalan ng mga kandidato at party list na kanilang ibinoto at makaraang makumpirma na nila ang kanilang mga gustong kandidato at maiboto ay mawawala sa screen ang kanilang balota at mayroong QR code na i-scan para naman ma-verify nila ang kanilang boto.
At kapag ang naturang mga codes ay naisalin na at nabasa matapos ang election sa Mayo 12 ay doon nila makukumpirma ang pangalan ng mga tamang kandidato na kanilang pinili at ibinoto.
Iyon umano ay isang paraan upang ma-secure ang boto ng ating mga kababayan ayon pa kay Garcia.
Idinagdag pa niya na ang Comelec lamang ang tanging makapagta-translate ng encrypted script sa QR codes upang makita ang mga boto.
Sinabi niyang ang online voting at pagbibilang by online ay ligtas at maaring ma-verify ng tama.
Bagama’t nilinaw at naipaliwanag ng Comelec ang tungkol sa isyung ito ay hindi naman umano lahat ay mabilis na makakaunawa tungkol sa nangyari kung kaya’t pinaniniwalaang magkakaroon talaga ng di magandang usapan tungkol diyan sa iba’t ibang social media platforms.
Baka mangyari pa niyan ay ulanin ng mga reklamo yan kapag natalo ang kanilang mga manok at sasabihin na nagkaroon kasi ng dayaan kaya ganyan ang resulta hahaha.
Alam n’yo naman ang mga pinoy.
Samantala, sa isang video ng PDP Laban senatorial candidate at ng kanilang abogado ay sinabi ng mga ito na nakatanggap umano sila ng mga ulat tungkol sa pangyayaring ito kung kaya’t agad naman umano silang bumuo ng committee mula sa partido upang tingnan ang naturang isyu at kasabay nito ay inilunsad nila ang ” Voteguard”isang Facebook group na kinabibilangan ng mga volunteer na law students na siyang tutugon at magbibigay ng payo at kaalaman sa ating mga OFW na may mga hinaing kaugnay sa eleksyon.
Tsk tsk sana naman ay maging malinaw at maayos ang lahat.
Ang pulitika kahit pa sabihin natin na magulo yan at marumi ay dapat pa rin nating bantayan upang ito ay maging tapat at malinis.
Marami nang nangyayaring kontrobersya at sana’y huwag maging mitsa ang kaguluhan at pagkalito na magdadala sa mga pinoy sa mas malulubha pang problema bukod sa korupsyon, bangayan sa pulitika, mataas na bilihan at kahirapan.
Maawa kayo sa bayan!
Bumoto tayo ng tamang kandidato ng buong katapatan at pagmamahal…mula sa puso!
At…bilangin sana ng tama hahaha!