

MAY lamlam na naman ng kalungkutan ang showbiz dahil sa pagpanaw ng tinaguriang Asia’s Queen of Songs na si Ms. PILITA CORRALES noong Sabado, April 12, 2025 sa edad na 87. Kinumpirma ito ng kanyang apo at aktres na si Janine Gutierrez.
Bago ang ginawang pagkumpirma ni Janine, ay kumalat na sa social media ang balita. Nagulat at hindi makapaniwala ang mga taga-showbiz. Bilang malaking RESPETO ay hinintay muna nila na ang anunsiyo ay manggaling sa tunay na kapamilya ng music icon, actress-comedienne, at isa sa pinakamahusay na Filipina singer ng kanyang panahon.
Sobrang glamorosa na sosyal ang dating ni Ms. Pilita sa tuwing mayroon siyang pagtatanghal. Nakakalulang tingnan, pero hindi siya mapagmataas o mayabang sa pagdadala ng tagumpay. Bagkus, siya ay isang huwaran at inspirasyon ng ibang mang-aawit na sumunod sa kanyang mga yapak.
Bilang manunulat ay ilang beses naming naranasan ang kabaitan ni Ms. Pilita na makapanayam. Una, pagkatapos niyang kumanta sa stage noon para sa birthday celebration ng kanyang kaibigang si Kuya Germs (German Moreno) sa Broadway Centrum TV Complex ay nilapitan namin siya para sa ambush interview. Sabi ko: “Ms. PILITA, PUWEDE PONG PAINTERBYU KAHIT KONTI?” Sagot niya: “OO, SIGE… HANAP TAYO NG LUGAR NA MAGKAKARINIGAN TAYO. ANG INGAY DITO!
Walang arte si Ms. Pilita. Sa isang madilim na sulok ng Studio na tambakan ng mga dekorasyon kami pumuwesto. Ang topic namin noon ay si Lotlot de Leon, dahil may tampuhan sila noon. Banggit ni Ms. Pilita: “HINDI PA KAMI BATI NI LOTLOT. HINDI PA KAMI NAGKAKAHARAP. MAHAL KO NAMAN SIYEMPRE YON. HINDI KO PA ALAM KUNG MAGKIKITA KAMI NA SIYA ANG LALAPIT SA AKIN O AKO BA ANG LALAPIT SA KANYA?”
Ms. Pilita was the mother of Lotlot’s ex-husband Monching Gutierrez, and the grand mother of their kids Janine, Diego, Jessica and Maxine.
Nakakatuwa lang, naging maayos ang lahat. Nitong huli, napakaganda ng naging mensahe ni Lotlot para sa yumao.
Pahayag ni Lotlot: “She loved her family like there’s no tomorrow. She would move heaven and earth just for them, for Ate Jaqui, for VJ, for Mon and most definitely for her grandchildren.
“She’s the kind of grand mother anyone would wish for. And I know that she can just give and gift her family with so much more, she would.
“Everything that belonged to her in a heartbeat she would pass on to those are precious to her.
“Her family was her number one. My children are very blessed to have and recieve that kind of love. For that, I am truly truly grateful.”
“‘PAG PUMANAW ANG BUHAY KO, MAY ISANG PIPIT NA IIYAK…”
Sabi iyon sa isang kantang pinasikat ni Ms. Pilita…
Hindi lang isang pipit ang umiiyak ngayon sa kanyang paglisan. Umiiyak ang sambayanang nakinig at nagmahal sa kanyang musika.
A MILLION THANKS TO YOU, Ms. Pilita…

