
ANG Boston Celtics ay natrangkahan ng basket ng mahigit pitong minuto at ang malapit sa imposibleng panalo ay nagawang muli ng New York Knicks upang pahiyain ang una sa Game 2 ng kanilang playoffs, 91-90 at makaabante sa serye (2-0) sa pagpapatuloy ng bakbakan sa Eastern Conference semifinal round ng National Basketball Association(NBA).
Matapos muling matambakan sa halos kabuuan ng laban sa gitna ng di magkamayaw na mga supporters at fans ng Celtics sa halos mayanig na TD Garden ay muling nagpamalas ng kanyang kaibahan si Mikal Bridges matapos na supalpalin ang pangitil sanang tira ni Jason Tatum sa huling mga segundo ng kanilang laban upang muling nakawin ang panalo mula sa koponan ng Boston.
Bago ito ay inunti-unti ng Knicks ang pagpapak sa malaking kalamangan na 20 points ng Celtics at nagawang maagaw ang trangko 87-86 na tinampukan ng mahaba at nakakagulat 21-2 run sa loob ng 7:33 minuto sa fourth quarter.
Si Bridges na zero point sa unang 36 na minuto ng laban ay dumukot ng 14 points sa fourth quarter habang ang isa pang alas ng Knicks na si Jalen Brunson ay muling kinakitaan ng pambihirang pulso at muling nagligtas sa kanyang koponan mula sa bingit ng pagkatalo makaraang walang mintis na maipasok ang huling dalawang free throw may 12 segundo na lamang sa laro.