
PORMAL nang sinimulan ang conclave sa pamamagitan ng pagbobotohan sa Sistine Chapel sa Vatican City para mamili ng magiging kahalili ng yumaong Santo Papa na si Pope Francis na namatay noong nakaraang Abril 21, 2025.
Sinuman sa mga kandidato ang papalarin na makakuha ng dalawa sa tatlong bahagi mula sa bilang na 133 botante na mga cardinal ang siyang tatanghalin na bagong Santo Papa.
Sakali at umabot ng tatlong araw at wala pa ring napili na bagong Santo Papa ay ihihinto ang proseso ng pagboto sa loob ng isang araw upang mabigyan ng pagkakataon ang mga cardinal na makapagpahinga at makapag-isip-isip.
Ang pamamaraan sa pagboto ay sa pamamagitan ng pagsusulat sa papel at pagkatapos ay tinitiklop ito at inilalagay sa isang urna na nasa may altar para maging sikreto ang bawat pagboto na gagawin.
Sa pamamagitan ng usok na magmumula sa tsimeneya ng Sistine Chapel ay malalaman kung may napili na o wala pa mula sa bawat yugto ng botohan kung saan ay itim ang ipalalabas na usok kung wala pang napipili at puti naman kung mayroon nang naihalal na bagong Santo Papa.
Sakali at hindi pa rin makapili ng bagong Santo Papa sa loob ng labintatlong araw (33-34 rounds ng pagboto) ay magkakaroon naman ng tinatawag na runoff vote para sa dalawang pangunahing mga kandidato na pagpipilian sa susunod na santo Papa.