

Naniniwala si Priscilla Meirelles na hindi kailangang madamay ng kanilang anak sa naging sigalot nila ng ex na si John Estrada.
Katunayan, patuloy pa rin ang co-parenting agreement nila ng aktor.
Kuwento niya, sa nakaraang birthday celebration mismo ng kanilang anak na si Anechka, siya raw ang nag-imbita kay John at sa mga kaibigan ito.
Aniya, mahalaga ang presensiya ni John sa mga importanteng okasyon ng kanilang anak tulad na lamang ng pagdiriwang nito ng ika-14 na taong kaarawan.
Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, gusto rin daw niyang maramdaman ng unica hija na buo ito at walang nagbago sa pagkatao nito.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit nananatiling in touch pa sila ni John.
Sa tsikahan naman sa vlog ni Karen Davila, inamin ng Brazilian model at actress na lumipat na sila ng tirahan ng anak bilang patunay na tapos na ang relasyon nila ni John.
Diretsahan ding inamin nito na hindi na sila magkakabalikan ni John.
Paliwanag niya, may mga standards daw siya sa pakikipagrelasyon na hindi swak sa mga hinahanap niya kay John.
Sey pa niya, nanininiwala rin daw siya sa sinasabi ni John sa kanya na mahal siya nito pero hindi daw siya minamahal nang nararapat para sa kanya.
Dagdag pa niya, siya rin daw ang tipo ng tao na bagamat mahaba ang pisi ay hindi na binabalikan ang bagay na inayawan na niya.
May mga nagbibiro nga raw sa kanya kung magbabago ang isip niya kung sakaling maging pastor ang ex.
Sa kabila ng kanilang hiwalayan, pinuri naman ni Priscilla si John sa pagiging good provider sa kanilang anak.
Sa naturang panayam, sinabi naman ni Priscilla na wala siyang ‘regrets’ na nakilala niya si John.
Hirit pa niya, naging masaya raw naman ang buhay nila sa kabila ng kanilang mga pagsubok na pinagdaanan.
Sa kasalukuyan, masaya raw si Priscilla sa kanyang pagvlo-vlog dahil ang dami niyang nadidiskubre sa kanyang pagtra-travel.
